Sunday, May 31, 2009

kape


bakit kaya andaming photo sa friendster (at hindi lang pala sa friendster) ang nagkalat na me taong nagpipicture tapos umiinom ng kape sa starbucks?


ano ba meron sa kape ng starbucks? magmumukha ka bang mayaman kapag umiinom ka ng kape dun o may picture ka kasama ng plastic cup nila?


maiinggit kaya ang ibang tao sa mga taong may picture sa starbucks? gagayahin din kaya nila ito at magpapapicture din sila habang nagkakape dun?


bakit kaya wala pa kong nakikita na picture sa friendster na umiinom ng siya Nescafe 3 in 1 at sosyal na sosyal ang pose? o kahit kapeng barako tapos proud na proud pa siya sa pagtimpla niya ng Cafe Puro habang nagbabasa ng diyaryo at kumakain ng tinapay?


bakit sila gumagastos ng malaki para lang sa isang baso ng kape o ng malamig na kape kahit tag ulan?


kailangan din bang magdala lagi ng laptop sa starbucks kapag nagkakape? wala ba silang internet sa bahay at kailangan pang magnakaw ng bandwitdth ng kapihan?


at bakit feeling nila bahay nila yung starbucks at naka taas pa ang paa nila habang umiinom?


tara samahan mo ko. kape tayo sa starbucks. may dala akong digicam!


PICTURE AY MULA SA:
http://blenda14ph.blog.friendster.com/files/fotoku7275_copy11-290x3001.jpg

Wednesday, May 27, 2009

naaalala mo to?

Sa isang malayong kaharian, may isang pangit na prinsipe na hindi pinagkalooban ng magandang mukha pero hindi siya ang bida sa kuwento ko. Ang pagtuunan natin ng pansin ay ang isang bata na ginigising na ng kanyang alarm clock.

Totototototototototot! Patay tayo diyan. Umaga nanaman. May pasok ka nanaman. (Hikab) Ginising ka ng alarm ng cellphone mo. Di mo maimulat ang mga mata mo sa kapal ng muta kasi napuyat ka kagabi kakanuod ng mga DVD. Tinalo mo pa si Kuya Germs at si David Letterman sa pagpupuyat.

Lagot ka, ayan na ang mama mo.

“Bangon na! Baka ma-late ka nanaman! Ayokong pipirma sa attendance sheet niyo kasi may late ka.”

Madilim-dilim pa kaya hihirit ka pa ng mga sampung minuto at hihintayin ang pagbubukang liwayway para lang bumangon. Buhay na ang diwa mo. Maya-maya habang nag-aalmusal e umiral nanaman ang katamaran mo.

“Mommy, parang nahihilo ata ako. Masakit ulo ko kasi napuyat ako kagabi kakagawa ng project. Sakit pa ng katawan ko. Pati sinisipon ako. Nanlalambot ako.”

Pati ata buhok mo e sumasakit na din. Tama na, lumang istilo na yan. Laos na raket mo. Sa madaling salita e mapipilitan ka ding pumasok.

Nasa labas ka na ng iyong pinakamamahal na paaralan. Habang papalapit na sa gate e nararamdaman mo na kinakanta na ang pambansang awit kaya tumayo ka ng matuwid at nilagay ang kanang kamay sa kaliwang dibdib. Pagkatapos ng pambansang awit ay hindi ka na nag-recite ng Panatang Makabayan at ng Mission Statement ng inyong paaralan at pinagpatuloy mo na lang ang paglalakbay mo patungong classroom at maya-maya pa e hinarang ka ng mga estudyanteng naka-bihis sundalo o mga CAT officers. Late ka na daw! Siyempre ayaw mong magkaroon ng record na late kaya dinepensahan mo naman sarili mo.

“Nandito na ko bago pa tumugtog yung Lupang Hinirang!”

Nahabag sayo yung officer dahil sa award-winning mong pag-acting na puwede nang ilaban sa pag-arte ni Berting Labra sa pelikulang Pila Balde.

Pagpasok mo sa classroom e mistulang nasa talipapa. Ang inet! Abot singet! Hindi pa kasi binubuksan yung aircon. Nagkakagulo ang mga kaklase mo! Parang may Royal Rumble! Para silang nanunuod ng laban ni Undertaker at Batista sa Wrestlemania. Pag-upo mo sa upuan mo e saktong binuksan na ang aircon kaya medyo nawala ng konti ang sungit ng mukha mo.

First period na. Pumasok na si Ms. ‘Araling Panlipunan’ bitbit ang limpak-limpak na visual aids. Ayos naman magturo kasi ‘relax’ lang. Parang pumepetix ka lang. Enjoy naman kahit medyo inaantok ka. Natapos na ang first period na may panis na laway ka sa pisngi mo. Nakatulog ka pala. Ayos lang, nabawasan naman ang antok mo kahit papaano. Naisipan mong mag-CR para magbawas (hindi tumae). Habang pababa ng hagdan e may nahawakan kang malagkit sa rail ng hagdan na inakala mong gel para sa buhok pero pag-amoy mo e amoy laway. Biktima ka ng plema gang kaya maghugas ka ng kamay ng mabuti. Pagpasok ng CR e sari-saring mga ‘vandal’ ang makikita mo tulad ng “HAWAK MO ANG KINABUKASAN NG BAYAN” na hindi mo alam kung ano yung kinabukasan ng bayan na tinutukoy ng nagsulat nun.

Pagbalik mo ng classroom e nakita mong sa labas naka-tambay yung mga kaklase mo. Hindi mo maintindihan kung bakit sa labas pa sila tumatambay e kung mas malamig naman sa loob kasi may air con. Napaisip ka tuloy. “May nagaganap kayang pot session?”

Second subject na. Si Mrs. ‘Physics’ na. Pinababa kayo sa laboratory kasi may experiment kayo. Sa sobrang tuwa mo sa inyong experiment e nabagsak mo yung test tube at siyempre nabasag mo. Kawawa ka naman, tag-bayad ka nanaman. Matapos mong pumirma sa ‘statement of account’ e sa wakas, recess na.

Pagbaba mo sa canteen e katakot-takot na pila ang naabutan mo. Parang mga sasali sa Kwarta o Kahon ang mga tao. Madami sila. May kinder, grade 2, grade 6, 1st year hanggang 4th year high school. Halo-halong mga estudyante ang nasa canteen at halo-halo din ang amoy. Dahil sa nakasusulasok na sitwasyon e naisipan mo na lang na ‘wag ng kumain at mamburaot nalang para makatipid ka.

“Aba! Anak ng putang ama naman oh! Araw-araw ka nalang nambuburaot e!” hirit ng kaklase mong galit na galit na tila lalabasan na ng alupihan sa mukha dahil inubos na ng Kalabit Penge Gang ang baon niya. Kaya ayan ka…gutom.

Balik sa klase. “Magandang umaga! Makipag-palit ng inyong mga gawaing bahay sa katabi. Iwawasto natin ang mga ginawa niyo.” wika ni Mr. ‘Filipino’. Hala ka! Nakalimutan mong maghapit kaninang umaga, late ka kasi e. E pano yan? Instant homework ka nanaman. (Babala: WAG TULARAN) Ayos, perfect ka na sa gawaing bahay mo.

Next subject, ang pinaka-aantay mong guro na ang susunod. Si Ms. ‘P.E.’ Siya ang dahilan kung bakit wala ka pang absent sa subject niya. Abala ka sa pagkopya ng iniwang lecture ni Ms. ‘P.E.’ nang may narinig kang kakaibang tinig.

“OK class isten up.”

Parang may kakaiba. Pagtayo mo e ibang nilalang ang tumambad sa harapan mo at hindi yung cute na seksi na teacher na inaabangan mo. Mukang hindi nasa ayos ang feng shui mo ngayong araw na ito at hindi mo ata nabasa ang daily horoscope mo kaya napangiti ka nalang sa itsura ng substitute. Natawa ka kasi para siyang puwet na tinubuan ng mukha.

“Hey yu! Wat are yu laping at? Ikaw kaya dito!” sunget naman nito.

“OK class, time na. Pass your notebooks.” Sige, paspas sa pagsulat para makaabot!

“Hoy!!! Teka lang!!! Eto pa notebook ko!!!” Suwerte mo madami kayong hindi pa tapos. Sino ba namang hindi ma-uulol sa pagkopya ng lecture sa limang manila paper?

Inaantay niyo yung next subject pero sa tinagal-tagal ng pag-aantay mo e wala pala yung inaantay niyo kaya naisipan mo na lang na mag-lunch.

Suwerte mo maaga kang nakapag-lunch at wala pa masyadong nakapila sa canteen. Masarap ang pagkain. Solb. Hindi naman bitin. Kasama mong mag-lunch ang galante at mabait mong kaklase kaya nilibre ka pa niya ng siomai at ng iced tea. Swerte mo may nagmamahal sayo. At panibagong swerte nanaman kasi lalo kang nabusong dahil nakasalubong mo yung crush mo. Kahit hindi ka na kumain basta makita mo lang siya e mabubusog ka talaga.

Mahaba pa ang bakanteng oras kaya naisipan niyo munang mag internet sa computer shop ng paaralan niyo. Siyempre nagpalibre ka nanaman sa mabait mong kaklase. Bago na pala mga computer sa shop. LCD na yung monitor at mukhang mabilis na yung mga computer kaya nirentahan niyo naman. Ang hindi niyo alam e soooobrang bagal ng internet ngayong araw. Naubos lang ang pera at oras niyo sa loob ng shop kaya paglabas niyo e masungit na yung pangit niyong mukha.

Balik nanaman sa klase. Ang tagal ng oras. Naiimbiyerna ka na kasi gusto mo nang umuwi. Paglabas ng last period na si Mr. ‘Technology ang Livelihood Education’ e nagtatalon ka sa sobrang tuwa dahil makakauwi ka na pero hinarang ka ng isang kilalang mukha. “Hoy! Cleaners tayo ngayon!”

Hindi ka makakatakas kasi dumating na si adviser kaya walis dun, mop dito, punas ng blackboard na green, tapon ng basura at habang naglilinis ka e samu’t-saring mga tinig ang nadidinig mo.

“Yung hindi naman cleaners e lumabas na!! Nakakagulo lang kayo!! Ano ha?!”

“Hoy! Yung group 3 sa English! Gagawa tayo ng research paper bukas!”

“Classmates, may !@#$%^& ﻠﻲﻉﻧ ﺾﺱﺦﻖ ﻏﺻﺩﻅ ☼♀♂ ♫∑Ω ₧←ф…!!”

Kung anu-ano na lang ang naririnig mo sa classroom. Tapos ka na maglinis. Sa wakas e talagang makakauwi ka na. Paglabas mo ng gate e naamoy mo ang masarap na bopis kaya bumili ka at sinamahan mo pa ng malamig na gulaman. Ayos! Solb! Nakita mo ang mga ka-barkada mo at nagyaya silang mag-Counter-Strike. Naubos nanaman ang allowance mo kakalaro. Kaya magpapalibre ka nanaman sa mabait at galante mong kaklase. Di pa tapos, nakita mo pa yung mga kabanda mo, may jamming daw kayo kaya tumugtog ka muna. Pag-uwi mo e naalala mo pala na tambak ka ng mga projects at assignments kaya naisipan mo na lang manood ng Bakekang.

Araw-araw nalang na ganito ang laging nangyayari sayo. Hindi mo namalayan e nakatapos ka na pala ng pag-aaral. Sa sandaling ito, makikita mo na lang ang iyong sarili na nagbabasa ng isang kuwento tungkol sa mga karanasan mo sa pag-aaral at hindi mo namamalayan na tapos na pala yung istorya. Schwing!